Sa Laylayan ng Bahaghari

Ni Honorio Bartolome de Dios

Wala na ang dating dalampasigan, bay. Noong nagbinata tayo, tuluyan nang nilulon ng dagat itong dalampasigan.  Pero sa puwestong ito, dito tayo madalas maupo, naalala mo, para mag-istoryahan, pagkatapos pumalaot, pagkagaling sa bukid.

Noong huli tayong nag-istoryahan dito sa dalampasigan, wala kang kibo. Nakatanaw ka lang sa dagat. Ngayon alam ko na kung bakit. Siguro nakita mo ang pagdating ni Yolanda. Siguro naramdaman mo kung gaano siya kalakas at kung gaano siya kabagsik.

Sabi ng Papa mo, binalikan mo pa ang Mama mo at ang bunso ninyo sa loob ng bahay at saka pilit iniakyat sa puno. Nakita daw ng Papa mo kung paano ka hinampas at tinangay ng higanteng alon.

Bay, pasensya ka na. Hanggang ngayon, hindi ka pa rin namin nakikita. Pero ang Papa mo, lagi kong sinasamahan kapag may nababalitaan kaming katawang natatagpuan sa kung saan.

Bay, sige bay, habang hinahanap mo ang bahaghari, dito muna ako sa isla at susubukan kong gawin ang mga puwede pang gawin.  At sana kung makita mo na bahaghari ay muli mo akong balikan..